ABISO SA PUBLIKO!!!!
Ipinababatid sa lahat ang isang insidenteng naganap sa Looc, Magapi, partikular sa Makina River Stream, noong ika-26 ng Abril 2026, sa pagitan ng ala-una ng tanghali hanggang alas-tres ng hapon. Naiulat ang biglaang at hindi pangkaraniwang pagtaas ng tubig o pagbaha sa nasabing ilog, na nagdulot ng pangamba sa mga taong naliligo sa lugar, lalo na’t naganap ito kasabay ng brownout sa bayan at mga kalapit na residente.
Ang naturang pangyayari ay itinuturing na hindi karaniwan sapagkat walang naitalang malakas na pag-ulan sa nasabing oras. Noong ika-27 ng Abril 2026, isang concerned citizen ang nagsumite ng reklamo sa ating butihing Punong Bayan Wilson V. Maralit hinggil sa nasabing insidente. Ayon sa ulat, ang baha ay may kasamang maitim na kulay ng tubig at mabahong amoy.
Dahil dito, agad na ipinag-utos ng ating sa Municipal Agriculture Office/ Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ang pagsasagawa ng imbestigasyon. Batay sa paunang pagsusuri at mga nakitang bakas ng baha, pinaniniwalaang ang insidente ay dulot ng iligal na pagtatapon o pagdidischarge ng maruming tubig mula sa isang pusali, na nagresulta sa maitim at mabahong tubig na may kasamang latak.
Ang insidente ay agad ding iniulat sa tanggapan ng PaSU TVPL at sa MENRO ng kalapit na bayan na posibleng may kaugnayan sa pinagmulan ng kontaminasyon.
Noong ika-28 ng Abril 2026, nagsagawa ng mas masusing imbestigasyon ang MENRO, katuwang ang PaSU TVPL, sa pamamagitan ng pag-iinspeksyon sa kahabaan ng ilog mula Magapi River paakyat ng Makina hanggang sa hangganan ng bayan. Sa isinagawang pagsusuri, natuklasan ang mga bakas ng maitim at mabahong latak na naipon sa gilid ng ilog.
Gayunman, walang natukoy na mga kalapit na kabahayan o babuyan na maaaring direktang pinagmulan ng naturang polusyon.
Ayon sa PaSU TVPL, patuloy pang palalalimin ang imbestigasyon, kabilang ang pakikipag-ugnayan sa mga kalapit na bayan, upang matukoy ang tunay na pinagmulan ng insidente at mapanagot ang sinumang responsable.
Pinapayuhan ang publiko na iwasan ang pagligo o pagbabad sa nasabing ilog sa kasalukuyan, sapagkat ang kalidad ng tubig ay maaaring magdulot ng pangangati ng balat, iritasyon, o iba pang panganib sa kalusugan.
Mahigpit na ipinahayag ng ating butihing Mayor Wilson V. Maralit na hindi maaaring manatiling walang mananagot sa insidenteng ito. Kapag napatunayang may nagkasala, sila ay pananagutin alinsunod sa Republic Act No. 9275 o ang Philippine Clean Water Act of 2004, na naglalayong protektahan ang kalusugan at kabuhayan ng mga mamamayan ng Balete dahil sa di makakalikasang gawain.
Para sa kaalaman at gabay ng lahat.
0 Comments